Sa patuloy na pag-ikot ng carousel
Paikot-ikot, paikot-ikot ang carousel
Rosas, berde, asul, dilaw at kahel
Sabay na nakamamangha at nakalilito
Dahil maraming matikas na kabayo
Madalas mapatingin, minsang nahumaling
Sa carousel mayroon ding nalalasing
Masarap, mapait, masaya, masakit
Rumaragasa sa bawat pagpikit
Aasang sa pagmulat ay titigil ang pag-ikot
At panandaliang mawawala ang hapdi’t kirot
Minsan walang mas mainam na solusyon
Kung hindi ang pagtanggap at tamang panahon
Paikot-ikot, paikot-ikot ang carousel
Sa gitna ng mga kabayo ay may anghel
Sabay na nakamamangha at nakalilito
Marami naman nga kasing matikas na kabayo
Labanan man ay mahuhumaling nang mali
Takot man ay sasakay nang muli
Mahirap, magulo, mapait, masakit
Sa pagkakataong ito ay hindi na pipikit
Dahil ang pagmulat ay pagsayaw
Tulad ng mga kabayong lumulubog, lumilitaw
Magpapadala sa ritmo ng bawat tunog
At sa saliw ng musika ay iindayog
Paikot-ikot, paikot-ikot ang carousel
Paikot-ikot, paikot-ikot ang carousel
Wala nang nalilito ngunit may namamangha
Ang tunay na kaligayahan paano nga ba nakukuha
Marami ngang matikas na kabayo
Pero minsan pagong ang kailangan mo
Hindi pipikit pero bubulong ng pasasalamat sa hangin
Nang Kanyang dinggin ang iyong panalangin
Hindi bababa, sa unang pagkakataon ay magdadamot
At aasang ang carousel ay patuloy na iikot
Uulitin ang mga linya mo
Hanggang sa sila’y magkatotoo
Paikot-ikot, paikot-ikot ang carousel
Paikot-ikot, paikot-ikot ang carousel
…
